
Mga guro. Sino nga ba sila para sa inyo? Sabi nila ang mga guro
daw ang ikalawang mga magulang natin.
Sila ang nagsisilbing mga gabay natin sa paaralan. Sila ang
nagtuturo, sila ang nagdidisiplina at sila ang gumugugol ng oras nila para tayo
ay maturuan ng maayos sa loob ng walong oras na pamamalagi natin sa paaralan.
Hindi natin maikakaila na mayroong iba’t-ibang klase ng mga guro. May strikto,
may mabait, at may parang barkada lang. Kung papipiliin kayo kung sino ang
gusto niyo sa tatlong nabanggit, marahil pipiliin ng karamihan ang mabait at
parang barkada lang. Iilan lang marahil ang pipili sa striktong guro. Sino ba
naman kasi ang pipili sa mga gurong tigre at terror? Siguro nga ang iba diyan
ay sinusumpa ang mga ganitong klase na mga guro. Subalit aking mga kaibigan,
minsan ba ay sumagi sa inyong mga isipan ang mga maaaring dahilan kung bakit
ganyan ang ugali ng mga striktong guro natin? Katulad ng isang magulang ang
nais lang naman nila ay magkaroon tayo ng tuwid na daan. Katulad ng isang magulang
na umaasam na maging maayos ang buhay ng anak nila sa hinaharap ay siya ring
ninanais ng mga guro natin para sa atin. Hinihingi lang talaga ng pagkakataon
ang pagiging strikto nila lalo na kung ang estudyante mismo ay pasaway at
animo’y walang pakialam sa kanyang buhay. Tulad ng isang magulang ay gusto lang
nilang imulat ang mga mata natin sa kahalagahan ng edukasyon at ang pagiging
mapalad natin dahil tayo ay nakatungtong sa paaralan inaasam ng ibang taong
hindi nabigyan ng pagkakataong makapasok sa paaralan. Marami sa mga guro natin
ay mga magulang din. Alam nila ang hirap at pawis na siyang ginugugol ng mga
magulang natin para tayo ay mapag-aral lang. Kaya masakit din sa kanila ang
makita na tayo ay nagpapabaya sa ating pag-aaral dahil alam nila kung anong
hirap at sakripisyo ang binigay ng ating mga magulang para tayo ay matustusan
sa ating pag-aaral.
Lilipas
ang panahon at darating din tayo sa ganitong sitwasyon, kung saan tayo ay
magiging magulang din. Sa pagdating ng panahon na ‘yun, magiging masaya ka ba
kung iyong makikita na nagiging pabaya ang iyong anak sa kanyang pag-aaral?
Alam halos nating lahat ang kahalagahan ng edukasyon, kaya nga
kayod kalabaw ang ating mga magulang para mapag-aral lang tayo. At sa
edukasyong ito, kaagapay at karamay natin ang ating mga guro. Ang mga gurong
nagsisilbi pangalawang mga magulang natin.